Tuesday, April 20, 2010

Reminiscing...

     Tuwing naglalakad ako palabas at papunta sa bahay namin, lagi akong nakakasalubong ng mga sandamakmak na mga bata. Mga naglalaro sa kalsada. Walang pakialam sa mga dumadaan. Mabangga man ito o kung anuman, tuloy lang sila sa mga ginagawa nila. Minsan nakakainis pero most of the times naaalala ko yung mga panahong naging bata din ako.

     Nakakamiss talaga maging bata. Parang gusto kong bumalik sa panahong musmos pa ako at walang pakialam sa mundong ginagalawan ko. Parang gusto kong manatili na lang sa buhay na hindi ko iniisip ang kung anong mangyayari bukas. Bumalik sa panahong lahat ng bagay ay ginagawa kong laro. Mapalo man ako o hindi, alam kong naenjoy ko ang sarili ko. At alam kong maiintindihan nila ang mga pagkakamali ko dahil bata ako, walang alam  sa kung anong nangyayari sa buhay ko. 

     Ilang beses  ba kaming pumunta sa  garden ng simbahan namin para mamitas ng Santan flower at sipsipin ang nectar nito? Akala ko nga mahiwaga talaga yung bulaklak na yun kasi ang sarap  ng kakaunting tubig na  nakukuha namin sa kanya. Matamis. Pero nakakafrustrate minsan kasi sa dinami-rami ng pinitas ko, isa o  dalawa lang  yung merong tubig. E halos makalbo na nga yung garden at halos ipabaranggay na kami ng gardenero sa pinaggagagawa namin.

     Sa garden din ng simbahan, first time kong nakakita ng singsing pari. Ang  sarap paglaruan. Lagi naming kinukulit para bumilog. Kakahawak namin unti-unting namatay yung mga ito. Sabi nga nila mama wag daw pakialaman kasi Sacred daw yung mga ito kasi sa simbahan sila nabuhay.Pero ako wala akong pakialam. sugod kami lagi sa simbahan kapag gusto naming makipaglaro sa mga singsing pari.

     Noong kabataan ko rin nauso ang mga kisses. Sino ba naman ang makakalimot dito? E ito lang naman ang mga maliliit na batong inakala naming nanganganak. Super alaga ko nga yung akin e. Nagpabili pa ako ng bulak para meron silang maayos na matutulugan. Lagi kong tinitignan kung nanganak na. May paligsahan kasi sa aming mga magkakaibigan e. Payabangan ng mga kisses. Paramihan.

     Dati rin, natuto na akong magsigarilyo. Masarap pala, sabay kagat dito. Kapag bibili ako ng Stick-o, hindi ko agad iyon kinakain, pinangsisigarilyo ko muna hanggang sa puro laway ko na yung dulo. Feel na feel ko pa nga yun e. Parang astig tignan. Pero after kong gawing sigarilyo yung stick-o, tinatanggal ko naman yung itim na nakapaligid sa stick-o para matira yung puti. Ingat na ingat kong ginagawa yun kasi ayaw kong maputol yung stick-o. Minsan pa nga nagrereklamo ako na bakit kaya hindi na lang ginawang puti yung stick-o? Pinapahirapan pa kami para tanggalin yung puti e.

     Nakakamiss ring kumanta sa harap ng electric fan. Elib talaga ako tuwing gagawin ko yun. Dumadami kasi yung boses di ba. Astig. Ang sarap pa sa mukha. Minsan pa hindi na nakuntento, pinapatigil pa yung elisi sa pag-ikot. Tapos pag-umandar na, kakanta ulit. Tsktsk

     Sino ba naman sa  atin ang hindi sumubok tikman  ang vetsin? Ako, aaminin ko paborito ko ito. Tuwing magluluto si mama, lagi akong nasa tabi niya at patagong kumakain ng vetsin. Sabi niya kasi masama daw yun. E kaya lang masarap talaga e. Hindi ko mapigilan yung sarili kong kainin yung vetsin.

     Tutal nasa kainan na rin naman tayo ituloy na natin. Sino ba sa inyo ang hindi kumain ng yelo sa freezer? Tuwing idedeprosed ni mama yung Ref, automatic yan nasa likuran ako. Para pag-aalis si mama, time ko naman para kumuha ng yelo at ipasak sa bibig ko. Feeling ko pa nga snow yung kinakain ko e. Ang sarap kahit madumi. :))

     Dati din badtrip ako kapag pinapatulog ako sa tanghali. Hindi pa naman gabi para matulog. Gusto kong maglaro sa labas kaya lang hindi ko magawa kasi papaluin ako. Kaya pinipilit ko na lang matulog kahit hindi naman ako inaantok. Pero ngayon nababadtrip ako kapag iniistorbo ako sa pagtulog sa tanghali. :)

     Tuwing umuulan naman lagi kaming naglalaro sa baha. Hindi ako lumalangoy pero nagtatampisaw ako. Ang  sarap makipaghabulan sa mga kalaro ko. Pero dati takot ako sa baha kasi feeling ko may ahas lalo na tuwing malakas yung alon. Pero sa katagalan nawala na rin yung takot ko. Kapag may putik naman, nakikipag-batuhan kami. Ganun kami kadumi tuwing umuulan. Halos maging taong putik na itsura ko dahil sa dami ng putik sa katawan ko. Nakakamiss din tumapat sa mga tubo ng bahay kasi doon may malakas na tubig. Parang shower. Magulo lagi sa street namin kapag may ulan. Parang piyesta sa San Juan.

     Ngayon hindi ko na magawa yung mga bagay na ito. Sympre hindi na appropriate sa sarili ko yung mga ganitong gawain. Malaki na ako. Matured. Hindi na ako bata para gawing kalokohan ang lahat ng bagay. Hindi ko na maidadahilan yung edad ko para makalusot sa mga maling nagagawa at magagawa ko.

     Bakit ba ang bilis ng panahon? Kung alam ko lang na ganito ko mamimiss ang  kabataan ko e di sana sinulit ko na yung mga panahong bata pa ako. Sana ginawa ko na ang lahat ng mga bagay ng pwede kong gawin noon, tama man o mali.

     Pero dahil hindi na mangyayari yun, ibabaon ko na lang ito sa pagtanda ko bilang isang remembrance na sa tuwing maalala ko, alam kong tatawa at luluha ako. :((

2 comments:

kombo.yata.to said...

Miss ko na din minsan maging tsikiting ulit, pero okay na din kasi may tatlo na akong tsikiting of my own! 2 sakit ng ulo, hinihinog pa yung pangato. definitely following your blog. Worth reading.... Nice thing that I dropped by here!

♥ LHEY ♥

anthony said...

thnx lhey. Enjoy reading my blogs. I'll linked you too! :))