Friday, March 5, 2010

Kailan Ka Kikilos?

     Kanina ang presentation ng mga projects naman sa Filipino. Dito rin malalaman kung mae-exempt ba kami o hindi sa midterm exam namen sa Monday. Its a rush project. Sanay tayo diyan.  Nagbunga naman ng maganda ang nagawa naming proyekto. Yahoo! Wala na akong midterm exam. Wala na rin akong problema! Salamat sa mga kagrupo ko.

     Project man ito o hindi, ibinuhos ko ang lahat ng gusto kong iparating sa project na ito. Proud ako dahil nabuo ko ang konseptong ito. Kasama ng aking mga kagrupo nakabuo kami ng magandang resulta. Sana magustuhan niyo rin!

KAILAN KA KIKILOS?


     "Malayo pa ang umaga. Hindi matanay ang pag-asa. Hanggang kailan matitiis ang paghihirap ko. At sa gabi'y hinahanap ang pag-asa na walang hanggan. Kailan ba darating ang bukas para sa akin?" Nasaan na nga ba ang umaga? Ang bukas? Ang bagong pag-asa? Hindi ko makita ang liwanag na hinahanap ko. Ang araw na matagal ko nang nais masilayan. Bakit ako nandito? Walang makita. Walang maaninag. Bulag na ba ako o sandyang hindi ko lang maimulat ang mga mata ko?

     Nabuhay na ako noon. Nabuhay sa isang masaganang paraiso. Lugar kung saan lahat ng tao tahimik na namumuhay. Payapa naming inaalagaan ang yaman ng bayang ito. Walang problema. Kung mayroon man siguro'y madali naming nalulutas ang mga suliraning ito. Dahil na rin sa mga magagaling naming pinuno, natuto kaming magkapit-bisig at unawain ang isa't isa. Isa pa pinangangalagaan namin ang pangalan ng lugar na ito. Ayaw naming madungisan ang magandang impresyong ipinamana sa amin ng aming mga ninuno. Hindi nga maipagkakailang mahal namin ang lugar na ito. Mahal ko ang bayang ito. Dito ako lumaki, natuto at nakilala. Ibinahagi niya sa akin ang tunay na diwa ng mundong ito. Ang tunay na dahilan ng hiram na buhay kong ito. Ngunit lingid sa aking kaalama'y magmumula rin pala rito ang hanging magdadala sa akin sa madilim na kwebang ito.

      Bakit nga ba nagkaganito? Ang lugar na una ko ng nasilaya'y bakit napuno ng kasamaan, ng kasakiman, ng kawalanghiyaan? Iba na nga ngayon ang bayang kinamulatan ko. Matagal na panahon na rin noong huli akong nakatapak sa lugar na ito. Gusto kong lumibot. Gusto kong makita ang bayang ko sa panahon ng pagbabago.


      Tinahak ko ang daang kinatatayuan ko. Sa gilid nito ay hindi nawawala ang mga bahay na gawa sa bulok na yero at pinagtagpi-tagping piraso ng kahoy. Nakita ko rin ang madudusing na tao suot ang mga punit na damit na animo'y basurang gamit na gamit. Hindi rin nakalagpas sa aking paningin ang mga batang hubo't hubad na naglalaro sa gilid ng maruming estero. Napakadelikado pero balewala  lang sa kanila ang mga ito. Nakasanayan na nila siguro pero ang tiyak ko na hindi mawawala dito ay ang panganib na dulot ng maruming lugar na iyon. Hindi lang iyan, sa sobrang karumihan ng pasilyong ito, tiyak na binahayan na ito ng mga mikrobyo. Kawawang mga bata. Hindi na kasiyahan ang dulot ng kanilang paglalaro kundi isang malagim na kapahamakan.

     Sinuyod ko pa ang kahabaan ng lansangang iyon. Habang papalayo ako ay lalong lumalala ang mga kondisyong nakikita ko. "Palimos po,palimos po." Ito ang mga katagang naririnig ko. Mga matatandang inabanduna na ng kanilang mga pamilya, mga batang kinalakhan na ang basura. Nakaupo sa sulok ng kalsada, madusing at payat. Ito ang mga komong karakter na nakikita ko. Ang masakit pa, may mga musmos pa silang mga kasama. Bata pa ang mga ito pero bakit pinagkaitan na sila ng mga biyayang maaaring matamo?Ang iba pa nga'y pinandidirian, itinataboy at tinuturing na parang mga hayop. Ikinakahiya na animo'y salot ng bayang ito. Pinagkakaitan pa ng kaunting tulong  na kanilang hinihingi. Kawawang bata. Kaawa-awa.


     Hindi alintana ang tunog ng orasan, naabot ko ang dulo ng esterong aking tinahak. Doon ko nasilayan ang mga kalakalan na sa gabi lamang ang kaganapan. Mga binatang sumisingot ng droga at dalagitang dangal ang ibinibenta, mistulang palabas lang sa telebisyon na hindo mo aakalaing makatotohanan. sana sa mga oras na iyon ay naroon sa kanilang silid upang aralin ang mga tuntunin at gawin ang mga takdang-gawain. Kawawang mga kabataan hindi man lang nila naranasan ang saya na dulot ng pag-aaral.

     Habang masakit kong pinagmamasadan ang malupit na realidad na ito, dahan-dahang nagtanong ang aking mga labi sa mundo. Ano bang nangyari sa iyo? Bakit ka nagkaganito? Ang mayayama'y tila nakahiga na sa pera pero bakit ang mahihirap ay halos mabaon na sa lupa mo? Sa mga taong itinalaga mo para gabayan ang mga anak mo, anong ginagawa nila ngayon? Bakit sila nagpapakasarap sa kanilang pwesto habang ang karamiha'y nagpapakahirap sa kanilang mga siphayo? Ang mga taong inaasahan ng mga kababayan kong ito, bakit hindi man lang sila tumayo sa kanilang pagkakaupo upang makita man lang nila ang tunay na kalagayn ng mga taong ito? Bakit hindi nila subukang iabot ang kanilang mga kamay para sagipin ang malungkot na realidad na ito? Bakit hindi nila ipagkaloob ang kanilang mga balikat upang may masandalan sa panahong nagsusumigaw ang luha sa mga mugtong mata ng mga taong ito?

     Ang kabataan ang pag-asa ng bayan ayon kay Rizal. Ito ba ang tinutukoy na mag-aahon sa matinding kahirapan kung mismong ang kanilang mga sarili ay hindi kayang matulungan? Bata ka pa. May magagawa ka pa. Huwag nating hayaang manatili ang ganitong uri ng pamumuhay. Hindi sa mga taong nasa itaas nakadepende ang ating buhay. Huwag na tayong umasang may magandang kalooban na sasamahan tayo sa guhit ng ating kapalaran. Maraming paraan. Maraming mabuting paraan.

     May mga paa ka para tumayo sa sakit na ito ng lipunan. May mga kamay ka na hahawak sa iyong kapalaran. May mga labi ka na maghahatid ng iyong nararamdaman. May mga tainga ka na makikinig sa dalamhati ng iyong mga kasamahan. At may mga mata ka upang masulyapang muli ang kinabukasan.

     Tayo ang gumagawa ng aklat ng ating buhay. Huwag sana nating hayaang magtapos ito sa isang malungkot na kaganapan. Hindi man natin maabot ang buhay na ating inaasam, maipapakita naman natin sa mundong may  nananatiling liwanag sa kadiliman. Huwag na nating isisi sa kanila kung bakit ka nagkaganyan sapagkat sila'y  mga bulag sa  mga katulad natin. Sila'y mga bingi sa ating mga hinaing at sila'y mga manhid sa sakit na nararanasan natin. Tumayo ka mula sa pagkakadapa hanggat makayanan mong tumakbo at tumalon sa hiwaga ng buhay sapagkat hindi magtatagal ay makalilipad ka sa hangganan ng kalangitan.

  


    


No comments: