Tuesday, February 16, 2010

Alien Ba Ako o Trespasser???

     Sa tuwing papasok ako sa skul, hindi ko alam kung bakit biglang nag-iiba ung pakiramdam ko. Minsan tinatanong ko sa sarili ko kung tama ba itong dinadaanan ko. Tama bang maglakad ako sa kalsadang 'to? Tama bang itapak ko ang mga paa ko sa lupang ito?

     Alam ko sa sarili kong nasa tamang daan ako pero hindi ko matanggap na ito ang kalsadang dapat kong daanan at ang unibersidad na ito ang aking patutunguha't tutuntungan. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing hihinto ang LRT sa Vito Cruz Station, may kakaiba akong nararamdaman. Pakiramdam na hindi ko naman naranasan noong hayskul pa ako. Kaiba sa dati kong buhay. Malayong-malayo. 

     Habang papalapit ako sa gate ng aking paaralan, may pwersang parang gustong pumigil sa mga paa ko na tumuloy pa. Alam kong hindi dapat mangyari yun kaya patuloy akong pumasok sa mundong pakiramdam ko ay hindi naman ako nabibilang. At habang nasa loob ako, hindi ko maiwasang hanapin ung mga kaibigan ko noon. Mga kaibigang kasama ko parati at hindi ako iniiwan. Hindi ko naman masasabing wala akong kaibigan ngayon. Mayroon naman kahit papaano pero wala pa sa kanila ang mga kaibigang kaya kong pagkatiwalaan. Di tulad ng dati, lahat ng klasmeyt ko kaibigan ko at lahat sila ay mapagkakatiwalaan ko.

     Wala ako masyadong kausap. Parating mag-isang naglalakad habang papunta sa susunod na klase. Mag-isa rin akong kumakain. Walang kasama. Wala. Ang hirap ng ganitong buhay. Minsan naiinggit ako sa mga estudyanteng may mga kasama. May kausap. May katawanan. Hindi ko tuloy maiwasang maalala ang mga araw nung hayskul pa ako. Parati kong kasama ang mga kaibigan ko. Sabay sa paglalakad, sa pagkain ng lunch, sa pangtitrip, sa pagkukwentuhan at sa paghalakhak. Minsan naiisip ko na sana hindi na lang natapos yun. Na sana hindi na lang natapos ang hayskul para lagi kaming magkakasama.

      Pero wala na akong magagawa. Nandito na ako. Ito na ang bagong buhay ko. Panaginip man o hindi, nakakulong na ako sa lugar na 'to. Preso. Kelangan ko lang maghintay ng ilang taon bago ako makatakas sa mundong ito.

     Hindi ko naman masasabing pangit ang lugar na ito. Sa totoo lang, isa 'to sa mga unibersidad na talagang hinahangaan ko. Pero iba kasi kung alam mo kung saan ang tama mong pwesto. At sa pagkakataong ito, alam kong hindi ako nararapat dito. Hindi ko naman pinalanong mag-aral dito. At mas lalong hindi ko pinagsisiksikan ang sarili ko. Dumating lang talaga ang pagkakataong kelangan ko ng pumili para sa kapakanan ng pamilya ko. At noong mga panahong iyo'y gulong-gulo pa ang utak ko. At ngayon ito ang epekto.Hindi ako masaya kung nasaan ako ngayon. 

     Alam kong wala sa kanila ang problema. Hindi ko rin naman masasabing na sa akin ang mali. Siguro dahil na rin ito sa frustration ko sa skul at course na gusto ko. Alam kong hindi ko na matutupad ung pangarap ko kaya siguro ganito ako. Pero kelangan kong tanggapin ito para matupad ko ang gusto kong buhay. At alam kong na sa akin ang pagbabagong gusto kong makita. 

     Sana hindi na magtagal pa ang pakiramdam kong 'to. Gusto ko ng bumalik sa dati kong buhay. Sa buhay na kahit mahirap, nananatili pa rin ang saya sa aking kalooban. May totoong ngiti pa rin sa aking mga mukha. At sana dumating ang araw na hindi ko kelangan sagutin ang tanong na laging pumapasok sa aking isipan. Tanong na sa lugar na ito, ano ba ako... Alien o Trespasser?



     

  

3 comments:

kaigachi said...

hello! nakakarelate ako sa post mo bec. college life had not been easy for me but eventually, I graduated and even scored a few triumphs. take it easy & stay cheerful. believe that things will only change for the better and you have the power to affect such changes.

hey, the school year will be over soon. baka adjustments lang yan ng pagiging freshie... :) Good luck!

hopefully, my own experience can help you understand more about what you are going through right now. cheer up! hindi ka nag-iisa: classcards

anthony said...
This comment has been removed by the author.
anthony said...

yeah. adjustments nga lang talaga to! i really have to exert more effort in making friends! aja! =)))