Maraming taon na rin ang nagdaan mula ng iniwan mo ang buhay ng pagiging isang dalaga. Alam ko bata ka pa nun nung ikinasal ka sa una mong asawa. Nakakapanghinayang lang na sa kaunting panahon binawi na siya agad sa'yo. Pero sa kabila nun nagpapasalamat ako dahil kung hindi nangyari yun baka wala ako ngayon sa mundong ito.
Alam ko nahihirapan ka sa buhay na ganito. Mahirap, mapanghusga, mapaglaro. Minsan nga alam kong gusto mo nang kumuha ng lubid at ibitin ang sarili mo para matakasan ang buhay na hindi mo inasahang darating sa'yo. Gayunpaman, mas pinili mong hindi gawin iyun dahil alam mong hindi pa namin kaya ang mawalay sa'yo. Alam mong mas kelangan ka namin sa panahon ngayon kesa magpahinga na.
Buti na lang at hindi mo ginawa iyun dahil heto tayo ngayon. Graduate na ang mga kapatid ko. Ako na lang ang nag-aaral sa atin. Hindi mo na rin problema ang pag-aaral ko kasi sagot ng school yung pampaaral ko at sagot ko na rin ang baon at mga gastusin ko sa school. Ang sarap isipin na sa kabila mga pinagdaanan natin magkakasama pa rin tayo at alam kong dahil iyon sa'yo.
Simula nang pumasok sila ate sa college, nagkanda-gulu-gulo yung buhay natin. Alam kong hindi mo inaasahan na masyadong mahal ang mga gastusin sa college. Kaya nagsakripisyo ka. Isinanla mo yung bahay natin. Bahay na iniwan sa'yo ng asawa mo nung nabubuhay pa siya. Php25,000. May pera na para panggastos pero sa mura kong edad problemado ako kung paano babayaran yun.
Alam ko nabayaran mo yung bahay na yun dahil isinangla mo 'to ulit sa ibang tao. Sa pagkakatanda ko tatlong tao ang nagpakasaya sa bahay na 'to. Dahil rin dito nagkautang-utang tayo ng malaki para ipambayad sa tubo ng pagkakasanla ng bahay. Si papa kasi minsan may trabaho at kadalasan wala. kaya ikaw ang gumagawa ng paraan para makahulog sa mga demonyong kapitbahay natin.
Honestly, naaawa ako sa ginagawa mo. Apat-apat ang nilalabahan mo para lang kumita. Yung isa pa dun halos gawin ka nang katulong dahil sa'yo na halos ipagawa ang lahat ng gawaing bahay. E sa pagkakaalam ko labada lang ang dapat mong gawin dun. Pero mas pinili mong manahimik na lang at gawin ang mga iyun dahil alam mo namang kikita ka kahit ganoon.
Minsan nakikita ko yung kamay mo na hindi mo na maiunat sa sobrang kalalaba. Masakit alam ko pero mas pinili mong magtrabaho para matapos namin yung pag-aaral namin. Mabayaran ang mga utang na naipon na at halos hindi na natin alam na nagkaroon pala tayo ng ganung mga utang sa kapitbahay natin. Kadalasan pa nga parang ayaw na tayong pahiramin ng mga taong ito ng pera dahil alam nilang baon na tayo sa utang. Samantalang nung sila ang nanghihingi ng tulong palagi kang nandiyan para sumuporta. Yung iba nga ni hindi na binayaran e pero hindi mo na rin siningil. Itago na lang nila yun sa kanilang konsensya.
Minsan nakikita ko yung mga mata mo na namumula, may luha. Ang sakit pala talagang makita yung magulang mo na umiiyak. Parang hindi ko nakayang titigan ka ng ganun na lang. Gusto kong may magawa man lang ako kahit bata pa ako. Pero hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Alam kong hindi lang isang beses yun nangyari. Alam kong sa tuwing didilim nagsisimula nang ipaalala sa'yo ang lahat ng probema mo. Pero sa tuwing sasapit ang umaga, nakangiti ka pa rin though alam kong behind that was pain.
Parang nasanay na nga kaming palaging may tao sa pinto at hinahanap ka para singilin sa utang mo. Normal na sa amin yun. Kaya pagnaririnig kong may naghahahanap sa'yo naiisip ko na lang ano na naman kayang palusot gagawin ni mama? Nakakatawa sa mata ng ilan pero deep inside masakit para sa amin. Nakakahiya. Lalo na sa tuwing may darating na tanod sa bahay at ikaw ang hinahanap. Hindi natin alam pinabaranggay ka na pala ng mga pinagkakautangan mo. Hindi naman namin tatakasan yun e. Hello? Tagadito lang kami. Kapitbahay niyo lang kami kaya hindi niyo na kelangan ipabaranggay si mama. Pero kahit ganun maraming beses nangyari yun. Ni hindi man lang kita nasamahan para ipagtanggol ang sarili mo. Halos ipahiya ka ng mga taong ito sa lugar natin pero ni ipagtanggol ka sa mga 'to hindi ko man lang nagawa. Mabuti pa sila ate tinulungan kang humarap sa mga damuhong 'to.
Hindi ko makakalimutang nagising ako isang araw dahil may kaaway ka sa labas. Nagulat na lang ako kung anong ingay ba yun. Yun pala sinugod ka na ng isang pinagkakautangan mo. Actually hindi mo siya pinagkakautangan di ba kasi sa kapatid niya ikaw may utang hindi sa kanya. Kapalmuks talaga. Pero halos ipangalandakan sa buong baranggay yung 'utang mong buhay' sa kanila. Ang kapal ng mukha. Pagbaba ko biglang umalis. Pero nakita ko yung mukha mo nun. Halos kaawaan mo na rin ang sarili mo. Kaya simula ng mga araw na yun isinumpa ko ang mga taong ito. Pagyumaman ako, mamatay kayo sa inggit.
Ngayon, umunti na ang mga utang natin. Wala ka nang masyadong iisipin. May trabaho na si ate. Yung isa naman naghahanap pa lang. Iba talaga magmahal ang magulang lalo na ang mga nanay. Kahit ano gagawin para sa kanilang mga anak. Minsan nga hindi natin alam na nasasaktan natin sila dahil miski sa maliit na paraan ni hindi man lang natin maipakita na mahal natin sila. Hindi ko man lang masabi sa'yo na mahal kita, na nagpapasalamat akong naging nanay kita. Pero kahit ganun hindi ka nagsawang magmahal sa amin. Mas pinili mong tumabi sa amin kesa hanapin ang ikaliligaya ng sarili mo dahil alam mong kaming mga anak mo ang tunay na nagpapaligaya sa'yo.
Kung minsan nasasagot kita, sorry po. Minsan nga hindi pa kita pinapansin e. Pero ayaw mong nagyayari yun kaya kahit ganun kinakausap mo pa rin ako kahit wala lang sa akin ang mga sinasabi mo. Ang sama kong anak. Marami na ngang problema ang nanay ko dinadagdagan ko pa.
Ma, sorry sa mga kagaguhan ko. Hindi ko lang siguro naiisip na ang mga bagay na ginagawa ko ay nakakasakit na sa inyo. Siguro nga po makasarili ako pero unti-unti ko nang natututuhan ang mga bagay na tama at nakikita ko na ang mga bagay na itinuro mo sa amin. Alam kong hindi ako magiging ganito kung hindi dahil sa inyo. Kayo ang dahilan kung bakit sa mga masasamang taong naglipanang sa paligid, hindi ako nagpadala sa kanila. kayo ang naging sandalan ko kahit pa hindi tayo madalas mmag-usap tungkol sa personal kong buhay. Hindi niyo man ako nnabibigyan ng mga advices, sa sarili niyo pa lang inspired na akong gumawa ng tama. Basta Ma, may pangarap ako para sa inyo. Gagawin ko kayong Donya! :))
I Love You, Ma !!! Sana dumating ang araw na masabi ko sa inyo 'to. Salamat po sa lahat. Sa buhay na ibinigay niyo at sa mga aral na natutuhan ko. Happy Mother's Day! Sana maging masaya ka sa natitirang araw mo dito. At sana sa kaligayahang iyon kami ang kasama mo at kami ang dahilan ng mga ngiti sa mukha mo. :))
1 comment:
dunno if you've read my posts regarding my mom. basically pareho tayo ng kwento. and i can see you have the burning aspiration to give your mom a better life. she deserves that kaya study hard, work hard. God recognizes that kind of unselfish dream.
Post a Comment